Kinondena ni Comedy Queen Ai-Ai Delas Alas ang naging desisyon ng Quezon City (QC) Council hinggil sa pagdedeklara sa kaniya bilang persona non grata kasama ang direktor na si Darryl Yap.
Nabatid na naging kontribersyal ang viral video na di umano’y pambabastos ng dalawa sa Quezon City Seal na ginamit sa isang online campaign video sa katatapos lamang na 2022 elections.
Matatandaang ginamit ang online campaign video sa pag-endorso kay Anakalusugan Representative Mike Defensor, na tumatakbong mayor sa Quezon City nito lamang nakaraang eleksyon kung saan, umarte si Ai-Ai bilang Honorable Mayor Ligaya Belmonte at kunwari’y nagbibigay ng mensahe mula sa kanyang tanggapan.
Makikitang background sa likuran ni Ai-Ai ang seal ng siyudad na hawig ng Quezon City seal pero sa halip na ang text na “Lungsod Quezon Pilipinas” ay pinalitan ito ng text na “BBM” at “SARA.”
Ayon sa komediyante, hindi raw nito intensiyong maghayag ng katotohanan at malinaw na hindi dapat seryosohin ng publiko ang nasabing video.
Sa ngayon, ipinaubaya na ni Ai-Ai sa kanyang legal counsel ang pagsagot sa desisyon ng QC Council.