Ayon sa survey mula sa Social Weather Stations (SWS), siyam sa sampung Pilipino ang personal na nakaranas ng epekto ng climate change sa nakalipas na tatlong taon.
Kaya naman malaking tulong sa bansa ang pag-secure ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ng high-resolution weather forecasting system gamit ang artificial intelligence (AI).
Sa sidelines ng 30th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na ginanap sa San Francisco, California, sinaksihan ni Pangulong Marcos ang paglagda ng Department of Science and Technology (DOST) at ng leading AI meteorology company sa Amerika na Atmo, Inc. sa memorandum of agreement (MOA) na inaasahang magpapataas ng kalidad ng weather forecasting system at magpapatatag ng climate resilience ng Pilipinas.
Maraming hamon ang kinakaharap ng bawat bansa dahil sa climate crisis na kasalukuyang nararanasan natin ngayon. Upang malabanan ang mga hamon na ito, kailangang mayroong matatag na climate resilience ang isang bansa.
Tumutukoy ang climate resilience sa matagumpay na pag-manage sa mga epekto ng climate change, pati na rin ang pagpigil na lumala na ito.
Ayon kay Pangulong Marcos, makatutulong ang AI-powered weather forecasting system na mapatatag ang climate resilience ng bansa.
Sa paggamit ng AI technology, mas magiging mabilis ang weather predictions. Mabilis na nakakapag-proseso ng napakaraming datos ang AI algorithm. Dahil sa kakayahan nitong mag-analyze ng extensive data sets in real time, makapagbibigay ito ng timely at up-to-date report.
Bukod dito, madaling natutukoy ng AI ang mga pattern at correlations na hindi gaanong napapansin sa traditional analysis methods. Natututo rin ang AI mula sa history at real-time data. Nagreresulta ang mga ito ng mas accurate na weather predictions, na siya namang maaaring makatulong sa mga organisasyon na gumawa ng mas maayos na desisyon.
Nakararanas ang Pilipinas ng humigit-kumulang 20 bagyo kada taon na nagdudulot ng matinding pinsala sa imprastraktura at agrikultura, pati na rin sa pagkawala ng mga ari-arian at buhay. Sa paggamit ng AI-powered weather forecasting system, mapapahusay ang kakayahan ng pamahalaan na tumugon sa weather-related events, na siyang makasisiguro sa kaligtasan ng mga Pilipino. Maaari rin itong mapakinabangan sa maritime safety at infrastructure development, pati na rin sa mga sektor ng turismo at agrikultura.
Ayon nga kay House Speaker Martin Romualdez, naipakita ng inisyatibang ito ang determinasyon ni Pangulong Marcos na tugunan ang mga hamon sa climate change sa pamamagitan ng innovative solutions. Dagdag pa niya, hindi lamang nagtutulak sa technological innovations ang groundbreaking agreement na ito, kundi nangangakong makapagbibigay ng positive impact sa mga buhay ng mga Pilipino.