Tinawag ng Malacañang ang Amnesty International (AI) na ‘stubborn’ at ‘hopeless’ matapos itanggi ng human rights group ang pamumulitika sa kampanya kontra illegal drugs.
Ito, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ay dahil tuloy ang pagdidiin ng grupo sa aniya’y walang basehan at maling impormasyon hinggil sa war on drugs partikular sa bilang ng mga nasasawi sa drug operations.
Sinabi ni Panelo na ginawa niya ang kaniyang homework kaya’t tinutulan nila ang headline ng isang pahayagang na umaabot na sa 27,000 ang bilang ng mga umano’y extra judicial killings.
Ito aniya ay isang malaking kasinungalingan at bahagi ng maling advocacy ng mga kritiko ng Pangulong Duterte.
Ayon pa kay Panelo, hindi dapat maging ‘parrot’ ang human rights group ng mga bogus na impormasyon mula sa mga kumokontra sa gobyerno.
Dahil dito, hinamon ni Panelo ang London-based group na magbigay ng facts at figures ng mga pangalan ng umano’y 27,000 kaso ng extra judicial killings.
At kung hindi ito magagawa ng AI, inihayag ni Panelo na patunay itong mali at malisyoso ang inilabas na impormayson sa war on drugs ng gobyernong Duterte.