Nakahanda na ang lalawigan ng Cagayan para sa inaasahang pananalasa ng bagyong Ompong.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Cagayan Governor Manuel Mamba, naka-posisyon na ang kanilang mga relief goods at naipakalat na rin ang iba’t ibang miyembro mula sa Philippine National Police, Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines na nasa Cagayan.
Sa ngayon ay suspendido na aniya ang pasok habang iiral naman sa lalawigan simula bukas ang liquor ban.
“Nag-preposition na tayo ng mga tao, preposition ng relief goods sa awa ng Diyos okay naman ang lahat ng ating ginagawang preparasyon.” Ani Mamba
Sa ngayon, iniulat na ni Mamba na nagpatupad na rin sila ng preemptive evacuation sa lalawigan.
“Ngayong umaga marami na tayong isinagawang preemptive evacuation lalo na sa coastal areas natin.” Dagdag ni Mamba
Samantala, nanawagan naman si Mamba sa national government na maglaan ng air assets para marespondehan ang kanilang mga kababayang nasa mga isla pagtapos ng pagtama ng bagyo.
“Kung puwede puntahan tayo ng air assets even after the typhoon sana kasi ang problema namin ay ‘yung mga island municipality natin after typhoon na may mga nadidisgrasya at kailangang dalhin sa mga ospital dito sa mainland ay wala tayong air assets para i-evacuate sila.” Pahayag ni Mamba
Samantala, puspusan na ang ginagawang pag-ani ng mga magsasaka sa tanim nilang mais at palay sa Cagayan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Cagayan Governor Mamba na 28,000 ektarya ng taniman ng mais at palay ang maaari nang anihin sa panahon ngayon.
Dahil dito, pinapaspasan na aniya ng mga magsasaka ang pag-ani sa mga ito upang hindi masayang at masira ng paparating na bagyo.
(Tolentino Online Interview)