Bumaba ang air pollution sa China mula nang magkaroon ng outbreak ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Batay sa inilabas na imahe ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) at European Space Agency, makikita ang mataas na lebel ng nitrogen dioxide sa China mula ika-1 hanggang ika-20 ng Enero, pero halos hindi na ito makita mula ika-10 ng Pebrero hanggang ika-25.
Ang nitrogen dioxide ay ang yellow brown gas na galing sa mga sasakyan, power plants at industrial facilities.
Kitang-kita umano ang pagbaba ng lebel ng polusyon sa Wuhan kung saan nag-ugat ang COVID-19.
Matatandaan na bago pa pumasok ang Pebrero ay maraming pabrika na ang nagsara sa China partikular sa Wuhan at inihinto rin ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan.
Sa isang statement, sinabi ni Fei Liu, air quality researcher ng Goddard Space Flight Center (GSFC) ng NASA na ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakakita sya ng sobra-sobrang pagbaba ng air pollution sa isang napakalawak na lugar.