Posibleng hindi na muna gamitin sa operasyon sa Marawi City ang mga SF260 Aircraft na siyang nagpakawala ng palyadong airstrike noong Miyerkules na ikinasawi ng labing-isang (11) sundalo.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines o AFP Chief of Staff General Eduardo Año, hanggang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente, baka hindi na muna nila ipagamit ang nasabing eroplano at mga kauri nito.
Gayunman, sinabi ni Año na tuloy ang paggamit ng militar ng iba pang-air, ground at naval assets para mabilisang mapuksa ang Maute Group sa Marawi.
Ang SF260 ay gawa sa bansang Italya na ginagamit ng militar sa mga training.
Pumalyang airstrike sa Marawi hindi na mauulit
Ipinag-utos ni AFP Chief of Staff General Eduardo Año ang pagbuo ng board of inquiry na mag-iimbestiga sa pagkasawi ng labing-isang (11) sundalo at pagkasugat ng pitong (7) iba pa matapos magsagawa ng airstrike ang Philippine Air Force (PAF) sa Marawi City.
Si Major General Rafael Valencia ang magsisilbing pinuno ng board of inquiry.
Kaugnay nito, sinabi ni Año na nalulungkot siya sa nangyari at hindi naman ito ginusto ng militar.
Sisiguraduhin aniya nila na hindi na mauulit ang naturang insidente.
Kasabay nito, tiniyak ni Año na kaisa ang kanilang hanay sa pagdadalamhati ng pamilya ng labing-isang sundalo na nasawi sa air strike.
By Meann Tanbio | With Report from Jonathan Andal