Pinuri ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang katapatan at professionalism ng isang tagalinis ng airport sa Misamis Oriental.
Hindi kasi ito nagdalawang-isip na isauli ang napulot na bag na naiwan sa Laguindingan Airport.
Ang nasabing bag, may laman palang P50,000!
Batay sa ulat, naiwan sa arrival area ng paliparan ang bag bandang alas siyete ng umaga.
Nang makita ng airport cleaner na si Joshua Bustamante ang bag, agad niya itong ipinagbigay-alam sa pamunuan ng paliparan upang mahanap ang may-ari nito.
Nakuha naman ng babaeng may-ari ng bag ang kanyang gamit at pera makalipas ang halos dalawang oras.
Ayon kay CAAP Area Center 10 Manager Engr. Job De Jesus, ipinakita ni Joshua ang pinakamataas na pamantayan ng katapatan at paglilingkod na itinataguyod ng kanilang ahensya.
Likas na matapat at mabuti ang mga Pilipino, ngunit sa kasamaang palad, hindi natin ito napahahalagahan at unti-unti itong nawawala.
Gayunman, may mga taong katulad ni Joshua na pinipiling gumawa ng mabuti at magpakita ng integridad na dapat nating tularan sa pang-araw araw nating buhay.