Naglunsad muli ang militar ng airstrike laban sa Maute terror group sa Marawi City.
Pinakawalan ang airstrike bago mag-alas-9:00 kaninang umaga.
Dahil dito, lalong umigting ang tensyon sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga miyembro ng Maute.
Wala pang ibinibigay na karagdagang detalye ang AFP o Armed Forces of the Philippines ukol dito.
Samantala, nananatiling mataas ang morale ng mga sundalong nakikipaglaban sa Marawi City.
Tiniyak ito ni Brig. General Restituto Padilla, Spokesman ng Armed Forces of the Philippines sa harap ng panibagong pagkamatay ng dalawang (2) sundalo dahil sa nagmintis na bomba ng militar.
Ayon kay Padilla, ganado ang mga sundalo na mapuksa na sa lalong madaling panahon ang mga terorista upang maibalik na sa normal ang pamumuhay nila at ng mamamayan sa Marawi City.
Tiniyak naman ni Padilla na masusi nilang sinisiyasat ang problema sa pagmintis ng kanilang airstrike.
“Bagamat may kalungkutang nararamdaman ang ating mga sundalo batid nilang lahat na may risk tayong hinaharap kaya nananatiling mataas ang morale ng ating kasundaluhan dahil gusto na nilang maresolba ang gulong ito sa lalong madaling panahon at maibalik na sa normal ang Marawi.” Pahayag ni Padilla
By Meann Tanbio | Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Airstrike muling inilunsad ng militar sa Marawi City was last modified: July 14th, 2017 by DWIZ 882