Muling naglunsad ng airstrikes ang militar laban sa Abu Sayyaf sa Sulu sa kabila ng banta nitong pamumugot sa kanilang German hostage na si Jeurgen Kantner.
Ayon kay Capt. Jo-ann Petinglay, Spokesperson ng AFP-Western Mindanao Command, inilunsad ang airstrikes sa mga kabundukan ng Patikul, Sulu makaraang makatanggap ng impormasyon na nagkakampo sa naturang lugar ang mga bandido.
Magpapatuloy naman ang pinaigting na military operations upang mailigtas ang mga nalalabing bihag ng bandidong grupo.
Alas-3:00 kahapon nang mapaso ang deadline ng bandidong grupo sa pagbibigay ng ransom kaya’t pinugutan na umano ang dayuhan.
Samantala, natanggap na ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza ang kahalintulad na ulat ng pamumugot umano ng Abu Sayyaf sa German hostage na si Jeurgen Kantner sa Sulu.
Ayon kay Dureza, nakarating sa kanyang ang impormasyon kahapon mula kay Col. Cirilito Sobejana, Commander ng Joint Sulu Task Force.
Gayunman, kasalukuyan anyang bineberipika ang ulat habang nagsasagawa ng search and rescue operations ang militar.
Kailangan anya nila ng matibay na ebidensya na pinugutan si Kantner lalo’t alas-3:00 pa ng hapon napaso ang ibinigay na deadline ng ASG para sa 30 million peso ransom na kanilang hinihingi kapalit ng kalayaan ng Aleman.
Nobyembre 5 nang dukutin si Kantner at asawa nitong si Sabine Merz na pinatay ng mga bandido habang naglalayag sa karagatan ng Malaysia.
By Drew Nacino