Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines o AFP na kanilang ipagpapatuloy ang airstrikes sa Marawi City.
Ito ay sa kabila ng mga panawagang itigil na muna ang airstrikes ng militar para maprotektahan ang sibilyan at mga gusali sa lugar.
Tiniyak ni AFP Spokesperson Brig. General Restituto Padilla na walang nadadamay na inosente sa kanilang airstrikes dahil sa kalkulado aniya ang bawat pag-atake sa ere ng militar.
Giit ni Padilla, epektibo ang ginagawa nilang airstrike sa bakbakan sa Marawi.
Patunay nito ay tatlumpu’t dalawa (32) sa animnapu’t isang (61) napatay na miyembro ng Maute ang nasawi sa pamamagitan ng airstrike.
Matatandaang umapela muli ang Marawi City government sa militar na tapusin na ang airstrikes nito sa lungsod.
Ayon kay Lanao del Sur Crisis Management Committee Spokesman Zia Alonto Adiong ay para matiyak ang kaligtasan ng mahigit dalawang libong (2,000) residente na naiipit pa sa Marawi City.
Ang city government ay nagpapatupad na ng curfew mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
Sinabi naman ng First Infantry Division ng Philippine Army na wala sa kamay nila ang pagpapatigil sa airstrikes.
By Judith Larino | Ralph Obina | with report from Jonathan Andal (Patrol 31)
*AP Photo