Tinanggap na ni Senior Associate Justice Antonio Carpio ang otomatikong nominasyon sa kanya para maging susunod na Chief Justice ng Korte Suprema.
Ayon kay Carpio, naipasa niya na kahapon ang kanyang acceptance letter sa jba o Judicial and Bar Council (JBC).
Si Carpio ang ikatlong mahistrado ng Korte Suprema na tumanggap na ng kanilang nominasyon para sa nabakanteng posisyon ng kareretiro pa lamang na si Chief Justice Teresita Leonardo De Castro.
Una nang tinanggap nina Associate Justice Diosdado Peralta at Lucas Bersamin ang kanilang otomatikong nominasyon.
Habang tinanggihan naman ni Associate Justice Mariano Del Castillo ang kanyang nominasyon dahil nakatakda na rin aniya siyang magretiro sa Hulyo 29 sa susunod na taon.
Samantala, pinalawig naman ng JBC hanggang sa Oktubre 26 ang deadline sa pagsusumite ng aplikasyon para sa Chief Justice mula sa dating Oktubre 15.