Pinahintulutan na ng Commission on Elections ang pagpapatupad sa ilang programa ng pamahalaan tulad ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), 4Ps, AICs at iba pang welfare programs sa kabila ng election ban.
Sa bisa ng isang memorandum, pinagbigyan ng COMELEC ang kahilingan ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na i-exempt ang mga programa mula sa 45-day spending ban para sa may 2025 midterm elections sa ilalim ng ilang kondisyon.
Mahigpit na ipinagbabawal ng poll body ang pangingialam o kahit pagpunta lamang ng mga kandidato o pulitiko tuwing may payout o pamamahagi ng ayuda, at dapat na mag-draft ang dswd at ipatupad ang guidulines para sa implementasyon ng mga programa.
Sa ilalim ng election code, ipinagbabawal ang paglalabas ng pondo ng mga ahensya ng pamahalaan tuwing election period bilang pagtiyak na hindi ito magagamit ng mga kandidato para sa kanilang pangangampanya.
Gayunman, pinahihintulutan ng comelec resolution 11060 ang “Social welfare and services projects at housing-related projects” na magpatuloy sa kabila ng kautusan basta’t nakakuha ang mga ahensya ng Certificate of Exemption mula sa COMELEC. – Laica Cuevas