Iginiit ng Department of Social Welfare and Development na hindi isang uri ng pork barrel ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Tugon ito DSWD Secretary Rex Gacthalian sa pahayag ni retired supreme court senior associate Justice Antonio Carpio na maihahalintulad ang cash assistance sa ilalim ng akap, sa kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF), na kilala rin bilang pork barrel.
Ayon kay Secretary Gatchalian, kahit sinong may mabuting-loob naman ang maaaring mag-refer ng potential beneficiaries at walang kinalaman ang barangay sa akap batay sa umiiral na guidelines.
Nilinaw ng kalihim na sa ilalim ng AKAP, hindi ino-obliga ang mga Barangay official na gumawa ng listahan ng mga benepisyaryo na tatanggap ng cash assistance mula sa DSWD.
Ipinaliwanag din ni Gatchalian na bagaman maaaring mag-refer ang mga mambabatas at local official ng mga posibleng benepisyaryo, tanging mga social worker ng kagawaran ang susuri sa mga recipient upang matiyak na pasado ang mga batay sa akap guidelines.