Walang ideya si Malay, Aklan Councilor Nenette Graf kung bakit siya napasama sa labing pito (17) kataong kinasuhan ng Department of Interior and Local Government o DILG dahil sa pagpapabaya sa Boracay.
Sinabi sa DWIZ ni Graf na hindi niya batid kung ano ang naging basehan ng DILG sa pagsasampa ng kaso laban sa kaniya lalo pa’t nadidiin siya sa environmental issue sa nasabing isla.
Nagtataka lamang aniya siya dahil sa simula’t simula ay ipinaglalaban niya ang environmental issue sa Boracay at pumasok din siya sa pulitika para higit pa itong maipaglaban.
“Presidente ulit ako ng Boracay Foundation na ang aming ipinaglalaban ay to restore what we lost and preserve what we have, matagal na po kaming lumalaban, in fact pati gobyerno nilalabanan namin sa pag-preserve ng isla ng Boracay. Pumasok ako sa pulitika dahil sa kagustuhan na rin ng ating private sector na mayroon silang representative na totoo, na galing sa kanila doon sa Malay. Nakagawa po tayo ng mga batas na hindi pa nagawa ng mga nakalipas na councilor.” Pahayag ni Graf
Una rito ay sinampahan ng patung- patong na kaso sa Office of the Ombudsman ang 17 ‘elected’ at ‘appointed officials’ ng lalawigan ng Aklan dahil sa umano’y mga kapabayaan ng mga ito sa isla ng Boracay.
Sa kanyang inihaing reklamo , sinabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na nakitaan ng paglabag ang mga naturang opisyal gaya ng “gross neglect of duty”, “grave misconduct”, “conduct unbecoming of public officials” at “conduct prejudicial to the best interest of the service.”
Kabilang sa mga sinampahan ng kasong kriminal at administratibo ay sina Aklan Governor Florencio Miraflores, Malay Aklan Mayor Ciceron Cawaling, Vice Mayor Abram Saulog at mga miyembro ng sangguniang bayan at iba pa.
Ayon kay Densing, nakitaaan ng kapabayaan si Miraflores sa pangangasiwa niya sa mga lokal na opisyal kaya nasira nang husto ang Boracay.
Lumabas din aniya sa kanilang imbestigasyon na inisyuhan ng business permits ang mga establisyemento sa isla kahit hindi kumpleto ang mga requirements ng mga ito na kailangan para sa kaligtasan ng publiko tulad ng fire code at building code.
(Ratsada Balita Interview)