Sinampahan ng kasong kriminal ng NBI o National Bureau of Investigation ang ilang mga lokal na opisyal ng Aklan at anim na mga resort operators at developers sa Boracay island kaugnay ng pagkasira ng nasabing isla.
Limang magkakahiwalay na reklamo ang inihain ng NBI sa Department of Justice kabilang ang paglabag sa mga environmental laws, anti-graft and corrupt practices act at local government code of 1991.
Kabilang sa sinampahan ng kaso sina Malay, Aklan Mayor Ceciro Cawaling, dating Mayor John Yap, Malay Municipal Engineer Elizer Casidsid, Kalibo Municipal Assessor Erlinda Casimero, Aklan Provincial Assessor Kokoy Soguilan at siyam na ibang pang opisyal.
Habang kinasuhan din ang mga executives ng mga resort operators na Yooringa Corp., Boracay Tanawin Properties Inc., Denichi Boracay corp., Correos Internacionale Inc., Seven Seas Boracay Properties Inc., at Boracay Island West Cove Management Philippines Inc.
Ayon sa Nbi, nagdulot ng polusyon, environmental degradation at pagkasira at pagkaubos ng biodiversity ng isla ang walang tigil na pag-develop sa Boracay.