Kontra sa mga prinsipyo at regulasyon ng pagbubuwis sa bansa ang opinyon ng Office of the Solicitor General (OSG) na hindi na bubuwisan ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Binigyang diin ito ni Ako Bikol Partylist Representative Alfredo Garbin, Jr. dahil obligadong magbayad ng buwis ang lahat ng mga nagne-negosyo sa bansa.
Dapat lang aniyang buwisan ang POGO na nag o-operate sa teritoryo ng bansa at nakakatanggap ng proteksyon mula sa gobyerno.
Tinukoy pa ni Garbin ang Revenue Memorandum Order ng BIR na naglilinaw sa pagbubuwis sa POGO na nagsasaad na pinapatawan ng buwis ang kita mula sa gaming operations at ang kita mula sa kaugnay nitong mga serbisyo.
Nakasaad din sa direktiba na anumang kumpensasyon, komisyon o iba pang uri ng bayad dahil sa mga serbisyo ng POGO at iba pang lisensyadong business entity ng PAGCOR ay kailangang patawan ng witholding tax.
Tinawag naman ni Senate Minority Floorleader Franklin Drilon na mali, wala sa lugar at hindi makakatulong sa interes ng bansa ang nasabing legal opinion ng OSG.
Sinabi ni Drilon na hindi trabaho ng OSG na i-interpret ang tax laws na responsibilidad naman aniya ng BIR at Department of Finance.