Buong mundo na ang apektado ng creeping aggression na ginagawa ng China.
Ayon kay Congressman Rodolfo Biazon, ito ang pangunahing dahilan kung bakit nagpadala ang Estados Unidos ng kanilang destroyer sa bahagi ng West Philippine Sea kung saan lumikha ng mga pekeng isla ang China.
Ang aksyon aniya ng Estados Unidos ang magsisilbing panggising sa buong mundo hinggil sa gumagapang na pananakop ng Tsina.
Ang bahaging inaangkin ng China sa West Philippine Sea ay dinadaanan ng 5 hanggang 6 na trilyong dolyar na halaga ng mga produkto mula sa iba’t ibang mga bansa sa mundo.
“Ang pagkagising ng mundo para pumayag ang Tsina na idulog ito sa international tribunal, itong ginawa ng Amerika ay isang pamamaraan upang magising ang mundo dito ay 3 factors ang dapat tignan eh, una ay yung balance of power sa region, pangalawa ay ang pagpapatupad ng international law tapos ay ang freedom of navigation.” Pahayag ni Biazon.
Ayon kay Biazon, hindi mareresolba ang problema ng pag-aagawan ng teritoryo sa West Philippine Sea hanggat hindi pumapayag ang China sa multilateral talks.
Kung magkakaroon aniya ng pag-uusap, dapat ay kasama ang lahat ng may claim sa West Philippine Sea tulad ng Malaysia, Taiwan, Vietnam, Brunei at ang Pilipinas.
“Isa-isa kakausapin hindi puwedeng magkaroon ng resolusyon yan na multi ka bilateral ang usapan, ang kailangan niyan papayag ang Tsina, multilateral, ang ibig sabihin lahat ng bansang claimants sa area na ‘yan pati na yung mga bansang apektado gaya ng Japan at Korea, Australia, Singapore etc., kasi lahat ng bansa sa mundo ay apektado ng ginagawa ng China eh.” Pahayag ni Biazon.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit