Tuloy-tuloy ang aktibidad ng China upang makontrol nang tuluyan ang inaangkin nilang bahagi ng South China Sea sa kabila ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Director Gregory Poling ng Asia Maritime Transparency Initiative, hindi kailanman huminto ang China sa paglalagay ng pasilidad at pangha-harass sa mga barko ng ibang mga bansa na mayroong inaangking bahagi ng South China Sea.
Dalawang research stations na anya ang naitayo ng China at nakapagpalubog ito ng isang Vietnamese fishing boat kamakailan.
Consistent rin anya ang Chinese vessels na nag-iikot sa Pagasa Island ng okupado ng Pilipinas.
Una rito, sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na umaabot sa 130 barko ng China ang namataan sa Pagasa Island mula noong Enero.