Inaalam na ng Philippine National Police (PNP) kung may kinalaman sa nalalapit na halalan ang gunrunning acitivity ni dating Talitay, Maguindanao Mayor Montasser Sabal.
Ito’y ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ay batay na rin sa dami ng mga matataas na uri ng armas na nakuha kay Sabal at may kasama pang 400 gramo ng shabu.
Binigyang diin ng PNP Chief, lumabas din sa imbestigasyon ng CIDG na nagsusuplay din si Sabal ng mga armas sa iba’t-ibang grupo sa mindanao tulad ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Kasunod ng pagkakapatay kay Sabal, naaresto naman ang anim pang kasamahan nito na sina Norayda Nandang, Muhaliden Mukaram, Aika De Asis, Ailyn Compania, Zuharto Monico at Wilson Santos.
Una rito, naging dating miyembro ng Special Action Force (SAF) ng PNP si Sabal bago ito sumabak sa pulitika noong 2010 at nanungkulan sa bayan ng Talitay hanggang 2013.