Magpapatupad ng mga pagtatama at pagdidisiplina ang Philippine National Police o PNP sa kanilang mga tauhan at naging hakbang nito.
Matapos iyan ng nangyaring habulan sa pagitan ng mga Pulis at aktor na si Jake Cuenca matapos takbuhan nito ang checkpoint ng pulisya sa bahagi ng Mandaluyong City nitong weekend.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, humihingi sila ng paumanhin sa delivery rider na tinamaan ng ligaw na bala matapos paputukan ng mga pulis ang gulong ng sasakyan ni Cuenca.
Igagalang aniya nila ang anumang magiging pasya ng rider kung maghahain ito ng kaso laban sa mga pulis kaugnay ng insidente kaya’t inatasan niya si Eastern Police District o EPD Director P/BGen. Matthew Bacay na isailalim sa restrictive custody ang mga sangkot na pulis.
Papaalis na sana ang mga pulis kagabi matapos magkasa ng operasyon ang Station Drug Enforcement Unit o SDEU ng Mandaluyong City Police sa Brgy. Barangka nang biglang bumangga ang sasakyan ni Cuenca sa Police mobile.
Ngunit sa halip na bumaba ng sasakyan ay kumparipas pa ito papalayo dahilan para habulin siya ng mga pulis na umabot pa hanggang sa Shaw Boulevard sa Pasig at duon na pinaputukan ang gulong ng sasakyan ng aktor.
Kaya naman tiniyak ni Eleazar na mananagot si Cuenca sa kaniyang ginawang paglapastangan at pambabastos sa mga alagad ng batas.—ulat mula kay Jaymark Dagala ( Patrol 19)