Pinadalhan na ng summon ng Land Transportation Office o LTO ang aktres na si Maria Isabel Lopez.
Nakasaad sa summon ang hinihinging paliwanag ng LTO kay Lopez kaugnay sa paglabag nito sa batas hinggil sa traffic signs, anti-distracted driving act at reckless driving.
Tiniyak ni LTO Chief Edgar Galvante ang pag-imbestiga nila sa naturang usapin at anuman ang magiging desisyon nila ay salig sa rule of law.
Magugunitang ipinost ni Lopez sa social media ang pagdaan niya sa ASEAN lane noong Sabado ng gabi matapos alisin ang road cones at sinundan pa aniya siya ng ibang motorista.
Dahil sa nasabing hakbang ni Lopez, hiniling ng MMDA at Department of Transportation na kanselahin ang lisensya nito.
“Posibleng mapagkamalang terorista”
Samantala, posibleng mapagkamalang terorista ang aktres na si Isabel Lopez nang dumaan ito sa ASEAN lane para lamang makaiwas sa trapiko nitong nakalipas na weekend.
Ayon ito kay Emmanuel Miro, pinuno ng MMDA Task Force ASEAN dahil mapanganib ang ginawa ni Lopez.
Sinabi ni Miro na sakaling may dumaang head of state at nakaalerto ang mga puwersa at naka-posisyon ang sniper, pupuwedeng mapagkamalang bomber si Lopez.
Dahil sa ginawang pag-alis ni Lopez ng divider cones at pagdaan sa ASEAN lane, ipinabatid ni Miro na inalerto na nila ang kanilang counterpart sa PNP na hulihin ang mga lalabag pa.
Magugunitang dahil sa pagpasok ni Lopez sa ASEAN lane, ilang motorista ang sumunod sa kaniya.
Inihayag ng MMDA na ayon sa LTO, hindi hinuli ang mga motorista dahil sa no contact traffic apprehension policy.
Kaugnay nito, nagbabala ang ASEAN Security Committee sa mga motorista na kakasuhan ang sinumang illegal na gagamit ng ASEAN lane.
Kasunod ito ng ginawa ng aktres na si Maria Isabel Lopez noong Sabado na sumuway at illegal na dumaan sa ASEAN lane.
Ayon kay ASEAN Security Committee Chair at DILG Officer in Charge Usec. Catalino Cuy, hindi nila palalampasin ang ginawa ni Lopez at sasampahan nila ito ng kaso kung kinakailangan.
Binigyang diin pa ni Cuy na inilagay ni Lopez sa alanganin ang seguridad ng mga delegado ng ASEAN Summit dahil sa pagbalewala nito sa inilatag na batas trapiko.
(Ulat ni Jonathan Andal)