Humingi naman ng paumanhin ang beauty queen at aktres na si Maria Isabel Lopez sa kaniyang ginawang pagdaan sa ASEAN lane sa EDSA.
Katwiran ng aktres hindi lamang siya ang gumawa nito kundi maging ang ilang bus at taxi na pumapasok na sa ASEAN lane.
Tinanong umano ni Lopez ang isang traffic enforcer kung bakit nakakapasok na ang ibang motorista sa ASEAN lane ngunit umalis ito upang ayusin ang mga nabuwag na harang sa EDSA.
Sumunod lamang aniya siya nang makita niyang nagsidaan na sa ASEAN lane ang iba pang motorista.
Driver’s License ni Lopez ipinasususpinde
Irerekomenda ng MMDA at LTFRB sa LTO ang suspensyon ng driver’s license ng beauty queen actress na Maria Isabel Lopez.
Ipinakita ni MMDA Spokesperson Celine Pialago at LTFRB Board Member Aileen Lizada ang post ng beauty queen na tila nagmamalaking nakapasok sa ASEAN lane sa EDSA na eksklusibo lang para sa mga delagado at head of states ng ASEAN.
Batay sa video at selfie post ng aktress tinanggal aniya nito ang harang sa EDSA, naglagay din ito ng hashtag no sticker, hashtag be like maria, hashtag leadership at hashtag pasaway.
Tinawag naman ni NCRPO Chief Oscar Albayalde na security breach ang ginawa ni Lopez at sinuportahan ang panawagang suspendihin ang lisensya ng aktres.
Nais din mapanagot ni Undersecretary Catalino Cuy, Officer in Charge ng Department of Interior and Local Government si Lopez.
Tiniyak ni Cuy na maiimbestigahan ang insidenteng ito at pananagutin ang aktres kapag napatunayang may nilabag sa batas trapiko.
—-