Plano ng isang dalagang aktres na magsampa ng reklamo laban sa isang direktor matapos umano siyang suntukin sa sikmura para maging makatotohanan ang eksena sa isang pelikula tungkol sa domestic violence.
Ayon kay Ms. Dalin Sarmiento, kinukonsulta na niya ang kanyang legal counsel kung ano ang maaaring ihaing kaso laban sa direktor na si Joselito ‘Jay’ Altarejos.
Base sa pahayag ni Sarmiento, sinuntok sa tiyan at hinampas di-umano siya sa braso ni Altarejos para magmukhang totoo ang akting niya sa shooting ng eksena ng pelikulang in saecula saeculorum.
Sinasabing magiging official entry ang naturang pelikula sa film festival na Sinag Maynila ngayong taon.
Bumuhos naman ang suporta sa dalagang aktres sa social media mula sa netizens.
Ayon sa tanyag na singer na si Lea Salonga, hindi umano matino ang isang kagaya ni Altarejos at dapat itong i-blacklist.
Maging ang action star na si Monsour del Rosario ay kinondena ang umano’y pananakit ni Altarejos kay Sarmiento.
By Jelbert Perdez