Itinanggi ng Malakanyang na binu-bully ng gobyerno si Chief Justice On-leave Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi matatawag na pambu-bully ang mga isinampang kaso kay Sereno at ang pagnanais ng mga kapwa nito mahistrado sa Supreme Court magbitiw siya sa pwesto.
Dapat anyang mamulat na sa katotohanan ang punong mahistrado na halos wala ng kakampi sa mga mahistrado ng S.C.
Hindi anya biktima ng bullying si Sereno bagkus ay malinaw na hindi na talaga ito tanggap ng kanyang mga kasamahan sa kataas-taasang hukuman.
Mali rin aniyang pagbintangan ni Sereno si Pangulong Rodrigo Duterte na nasa likod ng pagpapatalsik sa kanya sa puwesto dahil ang totoo ay mismong mga kasamahan sa Korte Suprema ang nagsasabing hindi siya karapat-dapat na maging Chief Justice.
-Jopel Pelenio