Walang nakikitang epekto ang political analyst na si Professor Ramon Casiple sa mga akusasyon ng kampo ni dating Senador Bongbong Marcos ukol sa mga umano’y nawawala at basang balota.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Casiple na walang bigat ang naturang mga akusasyon sa nagpapatuloy na recount ng mga balota sa pagka-bise presidente.
“Binabantayan ko rin ‘yan kasi itong tatlong probinsya na pinag-uusapan, I would assume dahil ang pumili nito ay si Bongbong Marcos, ay ‘yung pinakamatitibay na ebidensya sa pandaraya ay diyan lilitaw kasi ang lohika niyan kapag hindi niya napatunayan diyan ay lalong hindi niya mapapatunayan ‘yung sa iba pang probinsya, tingnan natin, may mga sinasabi siyang mga bumalik, mga nabasa etc. pero I doubt kung malaking usapin ‘yan.” Ani Casiple
Kasabay nito, sinabi ni Casiple na dapat abangan na lamang kung tatakbo si Marcos sa pagka-senador sa 2019.
Inihalimbawa ni Casiple ang recount sa mga balota na nangyari noong 1992 presidential elections sa pagitan nina dating Pangulong Fidel Ramos at dating Senadora Miriam Defensor Santiago.
Sinabi ni Casiple na sumuko din sa recount si Santiago at sa halip ay tumakbo na lamang ito sa pagkasenador noong 1995.
“Naalala mo ‘yung recount ni Miriam against Ramos, 9 na probinsya ‘yun ang haba nun, matagal din, tapos umatras na lang si Miriam dahil nag-kuwenta na siya na ang laki ng gagastusin niya, in fact ‘yan ang dapat mong bantayan dahil dadating ‘yan sa isang point this year na kailangang mag-file ng candidacy for senator sa 2019 elections, magfa-file ba si Bongbong?” Pahayag ni Casiple
(Balitang Todong Lakas Interview)