Hinamon ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman Jude Acidre ng Tingog Party-List ang mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na huwag haluan ng pulitika ang paglilitis ng International Criminal Court kaugnay ng pagpatay sa libu-libong Pilipino ng ipatupad ang war on drugs campaign.
Ayon sa House Majority Leader, ang simpleng argumento sa kinakaharap na kaso ni Duterte ay pumatay ito kaya’t dapat managot sa batas at hindi dapat gawing pulitika ang issue.
Binatikos din ni Acidre ang mga kaalyado ng dating pangulo sa paggamit ng mga mapanlinlang na pahayag upang ipakita na ang kaso sa ICC ay isang pampulitikang pag-atake, sa halip na kanilang harapin ang ligal na merito ng kaso.
Sinang-ayunan din ng kongresista ang pahayag ni Ruben Carranza, Senior Associate sa International Center for Transitional Justice, na kinastigo ang kampo ni Duterte sa kawalan ng malinaw na legal strategy at sa paggamit ng ICC bilang political battlefield. —sa panulat ni Kat Gonzales