Isinalang sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) swab test ang alagang aso ng isang pasyente ng COVID-19 sa South Korea matapos itong makitaan ng sintomas gaya ng sipon at lagnat.
Batay sa ulat ng Reuters, nasa 8 taong gulang ang babaeng aso na Cocker Spaniel at 14 na araw itong ika-quarantine kasama ang kanyang amo.
Dinala naman sa Seoul’s Animal Sanitation Laboratory ang sample na nakuha sa naturang aso upang pag-aralan at inaasahang lalabas ang resulta ng test sa susunod na linggo.
Matatandaang una nang naiulat na nagpositibo sa COVID-19 ang isang pusa sa South Korea nitong Enero na pinaniniwalaan ng mga eksperto na nahawa mula sa nagpositibo rin sa virus nitong amo.—sa panulat ni Agustina Nolasco