Ang International Criminal Court o ICC ay isang intergovernmental na organisasyon at pandaigdigang tribunal na nakaupo sa The Hague, Netherlands.
Nagsimulang maging epektibo ang ICC noong ika-1 ng Hulyo 2002, ang petsa ng pagpapatupad ng Rome Statute sa pamamagitan ng ratipikasyon ng 60 estado. Layon ng hukuman ang pandaigdigang kooperasyon upang maprotektahan ang lahat ng tao mula sa paglabag sa karapatang pantao.
Ang ICC ay may hurisdiksyon na mag-imbestiga sa mga indibidwal para sa mga mabibigat na krimen na ginawa noong o pagkatapos ng Hulyo 1, 2002 at ang mga krimen ay ginawa ng isang estado katulad ng:
- genocide o pagpatay ng lahi
- crimes against humanity o mga krimen laban sa sangkatauhan tulad ng mass murder, rape at sexual slavery
- war crimes o mga krimen sa digmaan tulad ng pag-torture sa mga sibilyan at paggamit sa kabataan bilang sundalo sa giyera
- crime of aggression o ang paggamit ng armadong pwersa ng isang bansa laban sa soberanya, integridad o kalayaan ng isa pang estado.
HURISDIKSYON AT SAKLAW NG KAPANGYARIHAN
Pinagtibay ng Pilipinas ang hurisdiksyon ng ICC sa estado sa pamamagitan ng ratipikasyon sa Batas ng Roma noong Agosto 30, 2011, sa kundisyon na ang bansa ay dapat tumupad sa principle of complementarity na ipinaliwanag sa DWIZ ni Atty. Mark Tolentino, dating state attorney ng Office of the Solicitor General.
‘Yung Pilipinas, nakapirma ‘yan sa Rome statute, particularly sa International Criminal Court, pero may kundisyon, hindi absolute ‘yung pag-ratify ng Pilipinas sa ICC. Ang isang kundisyon niyan ay we have to comply the principle of complementarity. Ibig sabihin, ‘yung ICC should only be the court of last resort. Ano ba itong court of last resort? Ito ay kapag ang state is unwilling to carry out an investigation or prosecution of a crime.
Ipinaliwanag din ni Tolentino ang pagkakaiba ng Korte Suprema sa ICC.
Ang Supreme Court ay isang domestic court, it is the highest law of the land in so far as the Philippine laws are concerned. But in the eye of international law, example ‘yung mabibigat na krimen tulad ng crimes against humanity, ang highest court of the land ay ang International Criminal Court but kung pwede ‘yung kaso ay i-file sa Supreme Court, hindi na tayo pwedeng pupunta pa sa ICC kasi pwede itong i-dismiss on the ground of lack of jurisdiction.
LEGAL NA PROSESO NG HUKUMAN
Preliminary examination
Sa preliminary examination, tutukuyin muna ng Office of the Prosecutor kung may sapat bang ebidensya at bigat ang kasong inihain at kung ito ba’y saklaw ng hurisdiksyon ng ICC. Sisiguruhin din ng piskal na ang mangingibabaw sa posibilidad ng pagbubukas ng imbestigasyon ay ang pangkalahatang interes ng mga biktima at ang pagbibigay hustisya.
Kapag lumabas na walang sapat na merito at hindi ito bumabagsak sa hurisidiksyon ng ICC, ang kaso ay hindi maaaring tumungo sa imbestigasyon at ito ay agad na mababasura.
Preliminary investigation
Matapos makakalap ng ebidensya at matukoy ang suspek, maaaring humiling na ang Prosecution sa mga mahistrado ng ICC na mag-isyu ng:
- Warrant of arrest kung saan ay nakabase ang ICC sa kanya-kanyang estado na magsagawa ng pag-aresto at i-transfer ang suspek sa ICC o,
- Summons to Appear kung saan ang suspek na ang kusang haharap sa hukuman (ito ay sa sitwasyon kung hindi makakapag-isyu ng arrest warrant)
Maaaring humiling muli ang prosecution ng confirmation of charges sa pamamagitan ng pagpreresenta ng panibagong ebidensya
Pre-Trial stage
Sa Pre-Trial stage, kukumpirmahin ng mga mahistrado ang pagkakakilanlan ng suspek at sisiguruhin na naiintindihan nito ang kanyang kinakaharap na kaso.
Matapos ang pagdinig ng prosecution, defense panel at mga legal representative ng biktima, maglalabas ng desisyon ang mga mahistrado pagkalipas ng 60 araw kung mayroong bang sapat na ebidensya ang kaso para tumungo sa paglilitis o ang trial stage.
Kapag hindi humarap sa hukuman o naaresto ang suspek, maari pa ring maghain ng legal submission sa Korte ngunit ang pagdinig ay hindi maaaring magsimula.
Trial stage
Dapat patunayan ng prosecution team na guilty ang akusado sa mga mahistrado.
Matapos ang maiging delibersayon, maglalabas ng hatol ang mga hukom. Kung napatunayang guilty ang akusado, maglalabas na ang Korte ng sentensya tulad ng hanggang 30 taon na pagkakakulong o habambuhay na pagkakabilanggo, depende sa kaso
Kapag walang sapat na ebidensya sa kaso, mapapalaya ang akusado at isasarado na ang kaso.
Appeals stage
Parehas na may karapatan ang prosecutor at defense panel na mag-apela sa naging hatol sa kaso, maging ang mga biktima at ang inaakusahan.
Ang apelang ito ay pagdedesisyunan ng 5 mahistrado ng Appeals Chamber, kung ang naging verdict sa kaso ay kakatigan, aamyendahan o babaligtarin at ito na ang magiging pinal na hatol.
MGA KASONG HINAWAKAN
Nakapag-isyu na ang ICC ng 31 warrant of arrest kung saan walo sa mga ito ay nakulong sa ICC detention center at humarap sa hukuman; 15 ang pinaghahanap pa samantalang ibinaba na ang kaso sa tatlong iba pa dahil sa pagkamatay ng mga ito.
Siyam katao na rin ang nahatulang guilty sa kaso habang isa ang napawalang sala.
Narito ang ilan sa mga personalidad na nilitis ng ICC:
Isinampang kaso laban kay Pangulong Duterte hinggil sa isyu ng human rights
Magsasagawa ng paunang review ang International Criminal Court o ICC sa war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang tugon sa isinulong na imbestigasyon ni Atty. Jude Sabio noong April 2017 sa anito’y crimes against humanity.
Si Sabio ang abogado ni Edgar Matobato, ang confessed hitman ng umano’y Davao Death Squad.
Para sa ilang miyembro ng mababa at mataas na kapulungan, isa itong welcome development para makamit ang hustisya ng umano’y mga naging biktima ng pang-aabuso sa karapatang pantao.
Ayon kay Sen. Antonio Trillanes, tiyak aniyang matatauhan at mapagtatanto ng pangulo na hindi siya nangingibabaw sa batas.
Giit ni Sen. Trillanes, panimulang hakbang pa lamang ang isasagawang preliminary investigation ng ICC para sa hinahangad na hustisya ng mga pamilya ng mga biktima ng human rights tulad ng extrajudicial killings.
Una dito, ipinabatid ng Palasyo na ‘welcome’ ang isasagawang paunang review ng ICC sa war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagpasalamat din si Cong. Gary Alejano sa ICC sa pakikinig sa kanilang reklamo kahit na inabot ng isang taon bago nasimulan ang pagsisiyasat.
Ipinabatid pa ni Alejano na kumakalap na ang ICC ng available information sa mga nagaganap na madugong kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.
Samantala, isang abogado naman ang naniniwala na mababasura rin agad ang kaso laban sa Pangulong Duterte dahil sa principle of complementarity na isang kundisyon ng Pilipinas sa pagratipika nito sa Batas ng Roma.
Ayon kay Atty. Mark Tolentino, hindi ang ICC ang court of last resort.
In this case, ‘yung kaso na inihain laban kay Pangulong Duterte sa ICC, it will be dismissed by lack of jurisdiction, based on my research kasi sabi ng principle of complementarity ang ICC is just only the court of last resort. In this case, kailangan mong i-prove na walang korte sa Pilipinas na pwedeng i-demanda si Pangulong Duterte. Preliminary examination pa lang naman ang ginagawa, ibig sabihin, tinitingnan ng Korte kung mayroong probable cause. Kapag may basehan na ang kaso doon na tutungo sa preliminary investigation.