Hindi na bago ang salitang impeachment sa mga Pilipino.
Tila isa na rin ito sa mga salitang madalas marinig sa mga panahon ngayon.
Ilan sa matataas na opisyal ng gobyerno kagaya ng Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa ay may “immunity” sa mga kaso (kriminal man administratibo o sibil) habang nakaupo sa puwesto.
Ngunit hindi pa sila tuluyang ligtas dahil sa 1987 Constitution ay may prosesong tinatawag na impeachment.
Pero, ano nga ba ang impeachment?
Ito ay isang prosesong ligal at pulitikal na nagsasakdal sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan na protektado ng Saligang Batas.
Tulad ng isang pangkaraniwang korte, dito nililitis ang mga opisyal na nasasangkot sa iba’t ibang usapin na maaaring maglagay sa kanila sa pagkasibak sa tungkulin.
Sa ilalim ng umiiral na Saligang Batas, iilang tao lamang ang maaaring isalang sa isang impeachment trial dahil sa probisyon ng immunity from suit.
Ibig sabihin, hindi sila maaaring basta-basta maaaring sampahan ng kasong sibil at kriminal hangga’t nananatili sila sa puwestong kanilang hinahawakan.
Sino ang puwedeng i-impeach?
• Pangulo
• Pangalawang Pangulo
• Mga mahistrado ng Korte Suprema
• Miyembro ng constitutional commissions
• at ang Tanodbayan o ang Ombudsman
Sa ilalim ng constitutional commissions nakapaloob ang COMELEC o Commission on Elections, COA o Commission on Audit at ang Civil Service Commission o CSC na pawang gumaganap ng mahalagang papel sa sistema ng pamamahala sa Pilipinas.
‘Grounds para sa impeachment’
Maaari lamang ma-impeach ang isang mataas na opisyal ng pamahalaan sa mga sumusunod na pagkakasala:
• Culpable violation of the constitution o paglabag sa Saligang Batas
• Treason o pagtataksil sa bayan
• Graft and corruption o katiwalian
• Panunuhol
Maaari ring maireklamo ng impeachment ang isang mataas na opisyal kung siya’y nakagawa ng mga high crimes o karumal-dumal na krimen.
Kabilang sa mga ito ay ang pagsisinungaling o perjury, pang-aabuso sa kapangyarihan, paninindak, paglustay sa kaban ng bayan, kabiguang pamunuan ang hinahawakang ahensya, pagsuway sa mandato at pagpatay.
At panghuli sa mga paglabag na kadalasang ibinabato sa mga opisyal ng gobyerno, ang betreyal of public trust o kung wala nang tiwala ang publiko sa isang naka-upong opisyal ng gobyerno.
Impeachment process
Tanging ang Kongreso lamang ang binibigyan ng kapangyarihan ng Section 6 ng 1987 Constitution na magsulong ng reklamong impeachment laban sa mga opisyal ng pamahalaan.
Unang hakbang ng proseso ng impeachment ay ang paghahain ng reklamo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso
Sinuman sa mga miyembro ng Kamara ay maaaring magsulong ng impeachment basta’t ito’y dapat na makakuha ng suporta mula sa 1/3 o mayorya ng mga miyembro ng Kamara.
Maaari ring maghain ng reklamo laban sa mga impeachable officials ang mga pangkaraniwang mamamayan ng bansa, basta dapat itong makakuha ng suporta mula sa mga mambabatas para maiyendorso ito.
Sunod itong ihahain sa Secretary General ng Kamara at saka ididiretso sa tanggapan ng House Speaker kung saan, isasama ang reklamo sa kalendaryo ng Kamara sa loob ng sampung araw mula nang matanggap ang reklamo.
Tatlong araw mula nang maisama sa Order of Business ng Kamara ang impeachment complaint, dapat itong dalhin sa House Committee on Justice para dinggin, himayin at tukuyin kung tama ba ang balangkas at may sapat na batayan ang reklamo.
Kung hindi tama ang balangkas o insufficient in form ang naturang reklamo, awtomatiko itong ibabasura ng komite pero kung tama ang balangkas ngunit walang sapat na batayan o insufficient in substance, hindi rin ito uusad.
Animnapung araw mula nang mapasakamay ito ng komite, dapat magkaroon na ng ulat kung ano ang resulta ng kanilang mga isinagawang pagdinig batay sa mga inilatag na ebidensya.
Kung aprubado ang naturang reklamo, saka ito dadalhin sa plenaryo ng Kamara para talakayin ng mga mambabatas at pagbotohan kung dapat ba o hindi na iakyat sa Senado na siya namang tatayo bilang impeachment court.
Kung aaprubahan ng mayorya ng mga mambabatas ang naturang reklamo para iakyat sa Senado, kailangan na nitong bumoto para bumuo ng panel of prosecutor na siyang tatayong taga-usig ng inirereklamong opisyal.
Kasabay nito ay bubuo na rin ang House Committee on Justice ng Articles of Impeachment na siyang magiging gabay ng mga senador na siya namang gaganap bilang impeachment trial judges.
Pagdating ng reklamo sa Senado, dito na magsisimula ang paglilitis at kinakailangan lamang ng 2/3rd’s na boto mula sa mga impeachment court judges para mahatulan ang nasasakdal batay sa itinatadhana ng Articles of Impeachment.
Mabigat ang parusa sa mga opisyal ng pamahalaan na nahahatulang guilty sa ilalim ng impeachment court.
Una, matatanggal ang opisyal sa hinahawakan niyang posisyon; hindi na niya makukuha ang lahat ng kaniyang benepisyo bilang opisyal at hindi na rin siya maaari pang humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.
—-
—-
Ilang buwan lamang matapos na maupo sa puwesto, isinampa ang kauna-unahang impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang Marso ng kasalukuyang taon.
Sa isinampang reklamo ni Magdalo Representative Gary Alejano laban sa Pangulo tinukoy nito ang korupsyon at ilang “high crimes” na dapat umanong panagutan ng Punong Ehekutibo.
Partikular na binira ni Alejano ang umano’y state policy ng pagpatay sa mga drug suspect sa isinasagawang giyera kontra droga ng administrasyon, ang mga umano’y vigilante killings noong si Duterte ay mayor pa ng Davao, at ang P2.2 billion na tagong yaman umano ng Pangulo na hindi idineklara sa kanyang SALN.
Gayunman sa unang pagdinig pa lamang ng House Justice Committee sa impeachment complaint laban sa Pangulo ay agad itong nasunog sa ginawang pagbasura dito ng Kamara.
Batay sa hearsay umano ang ebidensya ni Alejano kaya’t idineklara itong insufficient in substance ng 42 mambabatas.
History
Mula nang mabalangkas ang Saligang Batas noong taong 1987, marami nang mga opisyal ng pamahalaan ang naharap sa banta ng impeachment.
Subalit dalawa lamang sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan ang matagumpay na napatalsik sa pamamagitan ng impeachment trial dahil sa alegasyon ng katiwalian.
Una nang isinalang sa impeachment proceedings si dating Pangulong Joseph Estrada noong taong 2000 at ang huli ay ang yumaong dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona noong 2012.
Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, hindi lamang isa, hindi rin dalawa, kung hindi limang mataas na opisyal ng pamahalaan ang inireklamo ng impeachment.
Pakinggan ang kabuuang pagsisiyasat: