Ano ang avian influenza o bird flu?
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, ito ay isang infectious disease dulot ng bird flu Type A viruses.
Ang virus na ito anila ay tumatama sa mga ibon sa buong mundo partikular ang mga nasa katubigan (migratory birds) na naipapasa naman sa mga manok at iba pang domestic poultry animals dahil sa paglipat-lipat ng lugar.
Sa ibang bansa, may mga pagkakataong naipasa na ito sa tao dahil naman sa hindi maingat na paghawak sa mga may-sakit na manok.
Narito ang ilang strain ng bird flu:
H5N1
Ang H5N1 virus ay nakamamatay, sa ibon man o sa tao. Ang strain na ito ay naipapasa sa tao sa pamamagitan ng close contact sa mga ibon o manok na may bird flu.
Unang naitala ang kaso ng H5N1 virus sa tao noong 1993 sa Hong Kong na naghatid ng pangamba sa publiko.
Ayon sa WHO, sa pagitan ng 2003 at July 2014 umabot na sa 667 kumpirmadong kaso ng H5N1 infection sa tao sa 16 na bansa kung saan 393 dito ang namatay. Animnapung porsyento ang death rate ng H5N1 sa tao.
H7N9
Ang strain virus na ito ay mapanganib rin ayon sa WHO.
May mga ebidensyang nagpapakita na ang uri ng avian flu virus na ito ay naipapasa rin sa tao (person to person) ngunit binigyang diin na bihira o ‘rare’ lamang itong mangyari.
H7N7
Taong 2003 nang magkaroon ng outbreak ng virus na ito sa isang chicken farm sa The Netherlands na kumalat sa halos 800 poultry farms.
Na-infect ng nasabing virus ang aabot sa 90 katao sa lugar at 1 ang naitalang patay.
H10N8
Unang nadiskubre sa China noong 2013.
Hindi itinuturing na banta sa mundo ng mga researcher ang strain virus na ito.
May tatlong naitalang kaso sa tao at dalawa ang nasawi simula noong December 2013.
H10N7
Ang unang kaso sa tao ay naitala noong 2004 sa Egypt kung saan dalawang bata ang tinamaan ng virus.
Ang mga sintomas ay hindi malala at gumaling naman ang mga bata.
H7N3
Taong 2004 nang magkaroon ng outbreak dahil sa strain virus na ito sa Canada kung saan milyun-milyong ibon ang naapektuhan.
May dalawang naitalang kaso sa tao ngunit hindi naman naging malala.
Sa Pilipinas, naitala ang unang kaso ng bird flu noong July 2005 sa isang maliit na sakahan sa Calumpit, Bulacan ngunit natuklasan na ‘low-pathogen’ lamang ang strain at hindi mapanganib sa mga tao.
Outbreak in Pampanga
H5N6
Kinumpirma ng DA na maaaring maipasa sa tao ang bird flu virus na tumama sa mga manok at iba pang ibon sa San Luis, Pampanga.
Ito ay kasunod na lumabas na resulta ng pagsusuri ng Animal Health Laboratory sa Australia kung saan tinukoy ang strain bilang H5N6.
Ayon kay Dr. Arlene Vitiaco, pinuno ng Animal Disease Control Section ng Bureau of Animal Industry, positibong subtype ng N6 strain ang bird flu virus ngunit napakababa ng tiyansang makahawa ito.
Ang nasabing strain ng bird flu ang kumalat sa China noong isang taon subalit mababa ang mortality rate kumpara sa H5N1 strain na nagresulta sa bird flu pandemic noong 2004 hanggang 2007.
Pinawi rin ng Department of Health o DOH ang pangamba na kumalat sa tao ang bird flu matapos makumpirma na H5N6 ang uri ng virus na kumalat sa San Luis Pampanga.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, bagamat puwedeng mailipat mula sa manok patungo sa tao ang H5N6 na strain ng bird flu virus, bibihira pa itong nangyari kahit noong panahong lumaganap ito sa China at Vietnam.
Hindi aniya ito katulad ng H5N1 strain na kumalat maging sa tao sa iba’t ibang panig ng mundo noong 2007.
Tiniyak ni Ubial na handa sa ganitong sitwasyon ang DOH at ang Department of Agriculture o DA.
Diyan na po tayo sa paghahanda, 2004 pa po noong unang parang nagkaroon tayo ng scare, so ngayon ay talagang nakahanda na ang DA at DOH, buong bansa meron tayong negative pressure na mga rooms, meron po tayong mga testing centers.” Ani Ubial
—AR | DWIZ 882