Inisa-isa ang mga karapatan ng mga pasahero kapag nade-delay o na-cancel ang kanilang flights.
Kasunod ito ng pagsadsad ng isang eroplano ng Xiamen Airlines sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na naging dahilan ng pagkansela sa halos 700 flights.
Ayon kay Atty. Wrylou Samodio, hepe ng Legal Division ng Civil Aeronautics Board o CAB sa mga insidente ng force majeure, may karapatan ang pasahero na igiit sa airlines ang rebooking ng libre o refund ng pasahe.
Kapag inabot ng tatlong oras ang delay ng flight, obligado na ang airlines na maglaan ng pagkain sa mga pasahero kahit pa force majeure ang dahilan ng delay o kanselasyon.
Gayunman, hindi aniya obligado ang airlines na maglaan ng accommodation sa mga pasahero kung hindi nila kasalanan ang delay o kanselasyon tulad nang nangyari nang sumadsad ang Xiamen Airlines sa main runway ng NAIA.
Aminado si Samodio na napansin nilang ilang airlines ang hindi agad nakapagbigay ng pagkain sa mga pasaherong naapektuhang ng pagsasara ng NAIA kaya’t tinawag nila ang pansin ang mga ito.
Nakatakda aniya nilang ipatawag ang mga kinatawan ng airlines upang i-asses ang naging pagtupad nila sa kanilang mga tungkulin sa kanilang mga pasahero.
—-