Photo Credit: CNN Philippines
Panahon na ng kampanya.
Oras ito ng panunuyo ng mga kandidato sa mga botante at tamang oras din upang mas makilala ang mga kumakandidato, kasama ang kanilang mga programa at plataporma para sa bansa at mga Pilipino.
Mas maging mapanuri lang dahil baka ang mga pangakong ito ay muli na namang mapako.
Sa pag-arangkada ng campaign period ngayong araw sa buong bansa para sa mga tumatakbo sa pagka-senador gayundin ang mga party-list group ay nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga itinakdang dapat at hindi dapat gawin ng mga kandidato sa panahong ito.
Narito ang highlights:
• Binibigyan ng pagkakataon ang mga kandidato na lumahok sa pagdaraos ng iba’t ibang aktibidad may kaugnayan sa pangangampanya kagaya ng mga parada, pulong, debate at talumpati na may layuning suyuin ang publiko para ikampanya o kaya naman ay kontrahin ang isang kandidato.
• Kinakailangang magsumite ang mga kandidato ng ‘statement of expenses’ sa Commission on Elections matapos idaos ang mga campaign activity.
• Ang isang media practitioner, media personality, o kaya naman ay artista (radio, TV at print) na tumatakbo sa eleksyon ay kailangan munang mag-file ng ‘leave of absence’ sa kani-kanilang mga palabas o mag-resign sa kanya-kanyang posisyon.
• Ipinagbabawal ang pagbibigay donasyon pera man o ‘in kind’ sa mga religious at civic organizations.
• Bawal ang paggamit o pagtatalaga ng mga ‘special policemen’ o ‘confidential agents’.
• Hindi rin pinapayagan ang pagtanggap ng kandidato ng mga serbisyo mula sa pribadong tao o institusyon nang libre katulad ng transportasyon, akomodasyon, inumin at pagkain o anumang serbisyong matutumbasan ng pera. Kinakailangang ideklara ito bilang ‘campaign donation at expenditure’.
• Pinapayagan ang pagpapalabas ng ‘election ads’ o mga patalastas sa TV, radio at dyaryo ngunit bawal ang mga dokumentaryo o pelikula na magku-kuwento ng talambuhay ng isang kandidato.
• Ang mga poster ng kandidato na susuway sa tamang sukat ay babaklasin. Ang mga campaign poster para sa party-list groups ay kailangang may sukat na 12ft x 16ft; 4ft x 6ft naman para sa independent candidate at 2ft x 3ft para sa mga individual poster.
Samantala, mahaharap sa mga parusang itinakda ng Comelec depende sa paglabag ang sinumang kandidatong hindi susunod sa mga nabanggit na panuntunan.
Tatagal ang campaign period hanggang Mayo 11, 2019.
____