Kasado na ang mga Special Privilege na ipagkakaloob ng PhilHealth para sa mga miyembro, employer at healthcare facilities mula sa mga lugar na nasa ilalim ng State of Calamity dahil sa bagyong Paeng.
Kasunod na rin ito nang panawagan ng Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. na tulungan ang mga naapektuhan ng bagyo partikular sa mga lugar na idineklara niyang nasa State of Calamity tulad ng mga rehiyon ng CALABARZON, Bicol, Western Visayas at BARMM.
Ipinabatid ng PhilHealth na ang Special Privileges ay ibinibigay para matiyak na tuluy-tuloy ang paggamit ng mga benepisyo at makatanggap din ng tulong mula sa ahensya ang mga pasilidad para maiayos din ang kanilang health care system na sinira ng bagyo.
Ayon pa sa PhilHealth, maaari ring magamit ang benepisyo ng mga apektadong miyembro kahit ubos na ang kanilang 45 day benefit limit at kung ma-admit sa ospital ng walang isang araw o 24 oras bukod pa sa exemption a Single Period of Confinement Policy.
Bahagi pa ng Special Privileges ang pagpapalawig sa deadline nang pagbabayad ng kontribusyon ng self-paying member at employer, pagsusumite ng claim documents ng mga naapektuhang health care facilities hanggang 120 days at pagbabayad para sa referring at receiving health care institutions maging sa pagsusumite ng mga report.
Inihayag pa ng PhilHealth na pinalawig din ng ahensya ang validity ng accreditation ng mga pasilidad at pagsusumite ng application para sa accreditation ng PhilHealth na tiniyak din ang reimbursement sa mga claims na nasira dahil sa bagyo.
Para makuha ang Special Privileges, ang mga apektadong health care providers ay kailangang magsumite ng Letter of Request sa PhilHealth Regional Office na nakakasakop sa kanilang pasilidad.