Handang ilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang alas laban kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales kapag hindi ito nagbitiw sa puwesto.
Ito’y matapos ang iligal na pagkuha ng Ombudsman ng bank records ng Pangulo at first family na walang pahintulot mula sa Anti-Money Laundering Council o AMLC.
Sa kaniyang pagbisita sa Marawi City kahapon, hindi napigilan ng Pangulo ang kanyang galit kaya’t nagbanta siyang huhubaran sa publiko si Morales at ilalantad ang lahat ng sikreto nito.
Pagbubunyag pa ng Pangulo, ang dating pulis-Maynila na si dating Senior Inspector Rolando Mendoza ang tinutukoy niyang hiningan ng pera ng Ombudsman kaya’t tinuluyan ito sa kanyang kaso na nagresulta sa madugong hostage taking sa Quirino Grandstand noong Agosto 2010.
P40-M bank deposits
Handa umanong magpabaril at umalis sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling mapatunayang sobra-sobra sa 40 milyong piso ang laman ng kaniyang deposito sa bangko.
Tiniyak ng Pangulo sa kaniyang muling pagbisita sa Marawi City na hindi lalagpas sa nasabing halaga ang kaniyang deposito kung saan, kabilang na roon ang kaniyang mana mula sa kanilang mga magulang.
Iginiit ng Pangulo na handa niyang iladlad sa publiko ang kaniyang libreta de bangko o bank book para patunayang totoo ang kanyang sinasabi sabay banta ng pagbibitiw sa puwesto.
Nais ng Pangulo na lumabas ang totoo upang malaman kung sino sa kanila ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Omubdsman Conchita Carpio Morales ang tunay na magnanakaw.
(Ulat ni Jopel Pelenio)