Kinuwestyon ni Albay 1st District Representative Edcel Lagman sa budget hearing ang kabiguan ng Department of Foreign Affairs o DFA na isama sa 3.8 trillion peso proposed 2018 national budget ang pondo para sa mga proyektong may kaugnayan sa West Philippine Sea.
Sa pagdinig hinggil sa 19.6 billion pesos na hirit na pondo ng DFA para sa susunod na taon, inihayag ni Lagman na dapat ay naglaan ang kagawaran ng budget upang ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas sa pinag-aagawang karagatan alinsunod sa paborableng pasya ng International Court of Arbitration.
Ayon sa Kongresista, ang kabiguan ng Duterte administration na maglaan ng pondo ay marahil kabilang sa polisiya ng gobyerno na patatagin ang ugnayan ng Pilipinas sa China.
Bagaman aminado si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na walang budget appropriation partikular sa mga issue na may kaugnayan sa West Philippine Sea, handa naman aniya ang kanyang kagawaran na magsumite ng proposal kung nais ng House Appropriations Committee.
By Drew Nacino
SMW: RPE