Isinailalim sa general community quarantine (GCQ) ang halos lahat ng mga lungsod at bayan sa probinsya ng Albay.
Sang-ayon sa kautusan ni Albay Governor Al Francis Bichara, ang naturang kautusan ay batay na rin sa report ng Department of Health–Bicol Center for Health Development kung saan nakita ang patuloy na pagsipa ng kaso ng virus sa kanilang probinsya.
Mababatid na napagkasunduan ng Bicol Task Force katuwang ang mga local chief executives na isailalim sa naturang quarantine status ang lahat ng mga lungsod at munisipalidad sa probinsya.
Maliban na lamang sa mga munisipalidad ng Jovellar at Rapu-Rapu hanggang sa 15 ng Hunyo.
Dahil dito, ipinag-utos ang pagpapatupad ng mahigpit na quarantine protocols kontra COVID-19.
Ibig sabihin, hindi pwedeng lumabas ang mga indibidwal 18-anyos pababa at 65-anyos pataas–maliban na lamang kung may importanteng bibilhin o gagawin.
Paiiralin din ang 50/50 work-from-home status at on-site capacity.