Handa na ang Provincial Government ng Albay sa pagdating ng barkong may lulang 12 tripulanteng Filipinong positibo sa COVID-19, na nagmula sa Indonesia, ang epicenter ng mas nakahahawang Delta Variant.
Inaasahang ngayong hapon darating sa Lidong Port, sa Sto. Domingo ang barko na napag-alamang humimpil din sa Butuan City, Agusan Del Norte noong July 14 upang isailalim sa COVID-19 test ang 20 crew nito.
Ayon sa Philippine Coast Guard, bumaba sa Butuan ang isa sa mga tripulante habang nagpatuloy sa pagbiyahe ang iba papuntang Albay kinagabihan.
Huli na nang nalaman na positibo sa virus ang 12 crew kabilang ang bumaba sa Butuan.
Maayos naman ang lagay ng mga crew at pawang asymptomatic pero dahil dito, inihayag ng kapitan ng barko na hindi muna sila dadaong hangga’t walang pahintulot ng task force COVID-19 Bicol. —sa panulat ni Drew Nacino