Nakapagtala na ng dalawang casualties sa Albay dahil sa pananalasa ng Bagyong Rolly.
Batay ito sa ulat ni Albay Governor Al Francis Bichara sa ginanap na press briefing ng Malakanyang kasama ang iba’t ibang mga ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Bichara, tig-isang casualty ang naitala sa mga bayan ng Polangui at Daraga, bagama’t hindi pa malinaw kung nasawi o nasugatan ang mga ito.
Aniya, nabagsakan ng nabuwal na puno ang naiulat na casualty sa Daraga.
Dagdag ni Bichara, may napaulat na ring bumigay na dike na dahilan ng pagbaha.
Samantala, kinumpirma naman ni Office of Civil Defense 5 Director Claudio Yucot ang isang nasawing babae sa Daraga matapos mabagsakan ng natumbang puno ang bahay nito.
Sinabi ni Yucot, wala pa silang detalye sa pagkakakilanlan ng biktima habang kinukumpirma naman nila ang napaulat na casualty sa Polangui.