Nananawagan na ng tulong ang pamahalaang panlalawigan ng Albay sa Malacañang makaraang magdeklara na ito ng depletion of budget o pagka-ubos ng pondo.
Ayon kay Albay Public Safety and Emergency Management Council Office Head Cedric Daep, posibleng abutin na lamang ng tatlo hanggang apat na araw ang kanilang emergency funds na ginagamit para magbigay tulong sa mga apektadong residente.
Idinadaing naman ni Albay Governor Al Francis Bichara ang mabagal na pagpapalabas ng Department of Budget and Management o DBM sa 94 milyong pisong calamity fund ng lalawigan sa kabila ng pagdedeklara ng state of calamity.
Samantala, nananatili pa ring nakataas ang alert level 3 sa bulkang Mayon habang ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa loob ng 6 kilometer permanent danger zone at 7 kilometer extended danger zone.
Batay sa pinakabagong datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, nakita ang 500 kilometrong taas ng lava fountain sa bunganga ng bulkang Mayon dakong alas-10:45 kagabi.
Kasunod nito naiulat naman ang ashfall sa bahagi ng Oas at Guinobatan sa Albay.
Samantala, nasa tatlong kilometro na pababa ng bulkan ang naitalang lava flow sa barangay Miisi, Daraga.
Batay din sa datos ng PHIVOLCS noong Sabado, umaabot sa 954 tons ang sukat ng ibinugang sulfur dioxide ng bulkang mayon na nangangahulugang patuloy pa rin ang pamamaga nito.
—-