Isinailalim nang muli sa enhanced community quarantine (ECQ) ang buong lalawigan ng Albay at Zamboanga City hanggang ika-15 ng Mayo.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) na muling mapabilang ang nabanggit na dalawang lugar sa listahan ng mga patuloy na isinasailalim sa ECQ.
Kinumpirma ito ni Executive Secretary Salvador Medialdea, alinsunod na rin sa ipinalabas na memorandum para sa mga pinuno ng iba’t ibang kagawaran, ahensiya at tanggapin ng pamahalaan.
Una nang hiniling ng lokal na pamahalaan ng Albay at Zamboanga City sa national government na maipagpatuloy ang pagsasailalim sa ECQ bunsod ng patuloy na tumataas na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa kanilang lugar.
Samantala, sinabi ni National Action Plan Against COVID-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez na may itinatayo ng tatlong laboratoryo sa Zamboanga City na magagamit ng buong Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.