Tiniyak ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Oscar Albayalde na kabilang sa kasalukuyang capability enhancement program ng Pambansang Pulisya ang pag-upgrade sa gamit nilang communications equipment.
Kasunod na rin ito ng pag-amin ni Albayalde na luma na ang mga radyo na ginagamit bilang komunikasyon ng grupo ng mga pulis na nasangkot sa ‘misencounter’ sa grupo ng Philippine Army sa Sta. Rita Samar.
Ayon kay Albayalde, hanggang isang kilometro lamang aniya ang inaabot ng mga gamit na radyo ng pulisya.
Bukod pa rito, sadya rin aniyang limitado ang komunikasyon sa kabundukan dahil nagiging sagabal aniya ang maraming puno at wala rin aniyang signal ang mga cellphone.
Una rito sinabi ni Philippine Army 8th Infantry Division Commander Major General Raul Farnacio na hindi compatible ang mga lumang icom radio na gamit ng mga pulis sa Bagong Harris Radio ng militar na may mataas na frequency.
Paliwanag ni Farmacio, ito ang posibleng dahilan kung kaya’t hindi agad naipagbigay alam ng mga pulis mula sa 805th Mobile Company ng RMFB-8 ang kanilang operasyon sa mga sundalo ng 87th Infantry Battalion na nagresulta naman sa ‘misencounter.’
Samantala, tiniyak naman ni Albayalde na walang magiging whitewash sa isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring ‘misencounter’ sa pagitan ng pulisya at militar.
—-