Hindi pa rin lusot si dating PNP chief police general Oscar Albayalde.
Ito ang iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, kahit pa maagang bumaba sa puwesto si Albayalde bago ang nakatakdang araw ng pagreretiro nito.
Hindi aniya magiging daan para maabsuwelto o malinis sa pananagutang administratibo at kriminal sa isyu ng ‘ninja cops’ ang naging hakbang ng dating PNP chief.
Sinabi ni Drilon na maituturing na indikasyon ng pakikipagsabwatan ni Albayalde sa criminal act ng kanyang mga dating tauhan ang kanyang pagdepensa at kabiguan na kondenahin ang mga ginawa nina Major Rodney Baloyo.
Dagdag ni Drilon, nakalulungkot aniyang kulang sa sense of justice si Albayalde at malala pa na posibleng may kinalaman din ito sa pagtatakip sa mga ‘ninja cops’.