Binuweltahan ni PNP Chief General Oscar Albayalde si dating CIDG Chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Ito ay matapos ibunyag ni Albayalde na humingi sa kanya ng pabor si Magalong noong nasa floating status ito bilang PNP –CIDG Assistant Director for operations matapos masangkot sa tangkang kudeta laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo.
Ayon kay Albayalde, tinawagan siya noon ni magalong para humiling ng appointment kay dating PNP intelligence group Ismael Rafanan.
Aniya, ipinarating niya ang hiling ni Magalong kay Rafanan at matapos noon ay hindi niya na alam kung anong nangyari.
Samantala, kinumpirma naman ni Rafanan na humihingi ng tulong si Magalong noon kaugnay ng kinahaharap na kasong administratibo bunsod ng nabigong kudeta noong 2005.
Sinabi ni Rafanan, inilapit sa kanya ni Albayalde na noo’y kanyang regional intelligence office 3 head, ang kaso ni Magalong at iginiit na masasayang ang talento ng opisyal kung matatanggal ito sa puwesto.
Dahil dito, hindi na aniya gaanong natalakay ang pagkakasangkot ni Magalong sa kudeta nang kanyang gawin ang report sa kaso.