Nagkaroon ng direktang kontrol at pinamahalaan mismo ni dating Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde ang kontrobersyal na anti-illegal drug operation sa Pampanga noong 2013.
Ito ang isinasaad ng isinumiteng reply-affidavit ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) sa isyu ng ‘ninja cops’.
Ayon sa CIDG, alam ni Albayalde ang lahat ng detalye at impormasyon sa ikinasang drug operation noon ng mga dati nitong tauhan sa pamumuno ni Major Rodney Baloyo.
Dagdag ng CIDG, matibay ang mga ebidensiya at impormasyong lumabas sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee gayundin ang mga tumayong testigo doon para makasuhan ang mga respondents kabilang si Albayalde.
Samantala, sa isinagawang preliminary invetigation, inatasan ng DOJ panel of prosecutors ang ilang mga respondents na magsumite ng kanilang rejoinder affidavit hanggang sa susunod na pagdinig sa Nobyembre 18.