Nagpatuloy ang palitan ng parunggit nina Philippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde at Baguio City mayor at dating PNP- Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Benjamin Magalong, isang araw matapos silang magsagutan sa hearing ng senado.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Magalong na nakakalungkot na may mataaas na opisyal ng PNP ang nagpapanggap na naglilinis ng sariling bakuran subalit nagbibigay naman ng pabor sa mga tauhan nito.
Very sincere ang aming campaign sa paglilinis ng aming bakuran, pero itong nangyari habang tayo ay nasa ganitong direksyon, ay may mga matataas kaming opisyal na iba naman ang direksyon nila, nagpapanggap sila na naglilinis ng bakuran pero nagbibigay naman sila ng entitlement sa iba,” ani Magalong.
Sa hiwalay na panayam, kinuwestyon naman ni Albayalde kung bakit walang nagawa si Magalong para linisin ang PNP laban sa mga tiwaling pulis noong hepe pa ito ng PNP-CIDG.
Kasabay nito, ibinunyag ni Albayalde na minsan na rin syang hiningan ng pabor ni Magalong sa pagitan ng 2006 hanggang 2010.
Nasa floating status anya noon si Magalong at ilang buwan naman syang naging miyembro ng CIDG.
Gayunman, nang tanungin kung anong klase ng pabor ang hiningi sa kanya ni Magalong, sinabi ni Albayalde na mas makabubuti kung magmumula na lamang mismo kay Magalong ang kasagutan.