Binakante na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde ang kanyang tanggapan kasunod ng kanyang kinahaharap na kontrobersya kaugnay sa ‘ninja cops’ issue.
BREAKING: PNP Chief Oscar Albayalde, babakantehin na ang kanyang tanggapan; nasa ‘non-duty’ status na.
Una nang sinabi ni PNP spokesperson Bernard Banac sa DWIZ na ang ang ‘non-duty’ status ay nangangahulugan na ang isang kagawad ng PNP ay naghahanda na ng kanyang retirement. pic.twitter.com/2yrF936SXA
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) October 13, 2019
Sa kanyang talumpati sa flag ceremony sa Camp Crame, inanunsyo ni Albayalde ang paghahain niya ng ‘non-duty’ status bilang hepe ng PNP, epektibo ngayong Lunes.
Ayon kay Albayalde, pinag-isipan nya ang hakbang na ito at ikinonsulta rin kay DILG Secretary Eduardo Año.
Bilang panghuling utos at tagubilin anya sa mga pulis, ipagpatuloy ang pagsisilbi sa mga kababayang Pilipino upang makapamuhay ang lahat ng mapayapa.
Iginiit rin ni Albayalde na hindi sya kailanman nasampahan ng kaso kaugnay ng kontrobersyal na drug raid sa Pampanga noong 2013 kung saan sya nanilbihan bilang provincial director.
Nilinaw rin niya na mananatili pa rin siyang miyembro ng PNP at hihintayin ang pagtatapos ng kanyang termino sa ika-8 ng Nobyembre ngayong taon.
BASAHIN: Talumpati ni PNP chief Oscar Albayalde sa flag ceremony sa Camp Crame pic.twitter.com/1t3H3RQIZu
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) October 14, 2019
Kasunod ng naturang anunsiyo ni Albayalde, si Lt. Gen. Archie Gamboa naman ang magiging officer-in-charge ng Pambansang Pulisya.
Magugunitang ipinaliwanag ni PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac, sa panayam ng DWIZ, na ang ‘non-duty’ status ay nangangahulugan ng paghahanda ng isang kagawad ng PNP para sa makapaghanda sa kanyang pagreretiro.