May panawagan si PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde sa sinumang hahalili sa kaniya sa puwesto na ipagpatuloy o higitan pa ang mga magagandang nagawa niya bilang hepe ng pambansang pulisya.
Ito ang binigyang diin ni Albayalde matapos siyang bigyan ng parangal ng kaniyang alma mater na PMA o Philippine Military Academy kaninang umaga bilang huling salvo nito bago siya magretiro sa buwan ng Nobyembre.
Sa kaniyang pagharap, sinabi ni Albayalde na mahalaga ang continuity sa kanilang mga naging tagumpay bilang bahagi ng kanilang “patrol plan 2030” tulad na lamang ng kanilang war on drugs, internal cleansing program maging ang pagsasaayos sa kanilang sistema.]
Kasunod nito, nagpasalamat naman si Albayalde sa PMA administration dahil sa pagkilalang ibinigay sa kaniya lalo’t ginunita kahapon ng Sinagtala Class of 1986 ang kanilang walk out/walk in nang ipaglaban nila ang karapatan ng 2 nilang mistah na inosente rin sa nangyaring hazing noong panahong sila’y mga kadete pa.
Hindi naman napigilang maging emosyunal ni Albayalde nang tanungin kung ano ang legacy na kaniyang iiwan sa PNP may 2 buwan bago siya tuluyang magretiro.
Giit pa nito, wala na siyang masasabi pang iba dahil kaniya namang ginawa ang lahat ng makakaya upang mapaganda ang imahe ng PNP sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos at paninira lalo na sa kaniya kasabay ng umiiral na giyera kontra droga ng pamahalaan.