Kumpiyansa si PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde na hindi siya kabilang sa dalawang heneral na unang tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Albayalde, kung siya man ang tinutukoy ng pangulo ay hindi na magpapalabas ng anumang pahayag ang Malakaniyang na naglilinis sa kaniya sa usapin.
Magugunitang inihayag ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo na nananatiling buo ang kumpiyansa at tiwala ni Pangulong Duterte kay Albayalde bilang pinuno ng pambansang pulisya.
Gayunman, sinabi ni Albayalde na minabuti niyang huwag na munang magsalita hinggil sa usapin bagkus ay mabuti aniyang hintayin na lang ang magiging resulta ng mga kinauukulang kagawaran na nag-iimbestiga sa kasong nagdadawit sa kaniya sa kontrobersiya ng ‘ninja cops’.
Noong isang linggo, sinabi ni Albayalde sa mga miyembro ng media na magreretiro siya sa serbisyo na nakataas ang noo at may malinis na kunsensya sa mga alegasyong ipinaparatang laban sa kaniya.