Naniniwala si Philippine National Police Chief General Oscar Albayalde na hindi na kinakailangan pa ang SOGIE Bill o panukalang batas na naglalayong matigil ang diskriminasyon laban sa mga miyembro ng LGBT community.
Ayon kay Albayalde, sapat na ang ibinibigay na proteksyon sa mga Pilipino ng Saligang Batas at ng lahat ng umiiral na batas sa Pilipinas.
Binigyang diin ni Albayalde, hindi na kinakailangan pang gumawa ng batas na aangkop o ikalulugod lamang ng isang partikular na indibiduwal o grupo.
Aniya, dapat para sa pangkalahatan ang mga ginagawang batas.
Magugunitang naging maingay muli ang pagsusulong sa SOGIE o Sexual Orientation and Gender Identity and Expression Bill matapos arestuhin ang transwoman na si Gretchen Diez dahil sa pakikipag-away sa isang mall personnel para payagang magamit ang pambabaeng palikuran.