Pinababasura ni dating PNP chief Oscar Albayalde sa DOJ ang kasong kriminal kaugnay sa pagkakadawit niya sa kontrobersyal na operasyon ng kaniyang mga tao noong siya pa ang hepe ng Pampanga Police.
Ito ay matapos isama ng CIDG si Albayalde bilang bagong respondent sa reklamo laban sa 13 pulis na umano’y sangkot sa drug recycling na pinasasailalim ng prosecutors sa reinvestigation.
Kabilang sa mga reklamo laban kay Albayalde ay pag misappropriate ng mga nakumpiskang droga bilang paglabag sa Dangerous Drugs Law, graft, falsifying public documents at kabiguang i prosecute o parusahan ang mga pulis na sangkot sa umano’y maanomalyang operasyon noong 2013.
Binigyang diin ni Albayalde sa kaniyang counter affidavit na ang reklamo laban sa kaniya ay insufficient in form and substance at kulang sa probable cause.
Ang pinagbasehan aniya ng pagkakasama niya sa reklamo na partial committee report ng Senate Committee na nag imbestiga sa operasyon ay hindi naman nilagdaan o inaprubahan ng mayorya ng mga committee members.
Tinawag pa ni Albayalde ang nasabing dokumento bilang scrap na walang lagda, hindi verified at unauthorized ng mga sariling rules ng Senado.